MAY 5,000 hanggang 10,000 drivers at operators ng transport cooperatives ang lalahok sa “unity walk” ngayong Lunes, Aug. 5, bilang protesta sa Senate resolution na nagrerekomenda sa suspensiyon ng Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Sa panayam ng Super Radyo DzBB, sinabi ni Christian Maño na ang pro- PUVMP groups ay magtitipon-tipon sa Mabuhay Welcome Rotunda sa Quezon City sa alas-6 ng umaga at magmamartsa sa Malacañan Palace.
Ayon kay Ed Comia, convenor ng Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino para sa Modernisasyon (AKKAP MO), idaraos din ang magkakasabay na tigil-pasada sa ilang bahagi ng bansa tulad ng Cagayan de Oro at
Cebu.
Sinabi naman ni Melencio Vargas, presidente ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), na ang pro-PUVMP groups ay hindi binigyan ng pagkakataon na makapagsalita sa Senate hearing.
“Nalulungkot ako kung bakit ginawa ito ng Senado. Parang ang nabigyan ng pagkakataon [sa pagdinig] ay ‘yung 20 percent [na hindi nag-consolidate]. Kaming 80 percent [na nag-consolidate], hindi nabigyan ng pagkakataong magsalita,” sabi ni Vargas.
@Nakakasama ng loob, sumunod na kami. Kung gusto nilang ipatigil ito, dapat 2016-2017 pa lang tinutulan na nila ito,” dagdag pa niya.
Nauna rito ay 22 sa 23 senador ang lumagda sa isang resolution na nananawagan para sa temporary suspension ng PUVMP.
Hindi naman sasama ang “Magnificent 7” sa “unity walk” dahil naniniwala silang hindi solusyon ang tigil-pasada para tugunan ang mga isyu na may kinalaman sa PUVMP.
“Kami sa Magnificent 7 kabahagi ang FEJODAP, hindi sumang-ayon sa unity walk subalit nakikisimpatiya rin naman kami sa mga hinaing ng mga kasama natin sa kooperatiba. Kawawa po ang sambayanan mananakay, di po sila kasali dito,” sabi ni Jeph Gochengco, national president ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), sa hiwalay na panayam sa DzBB.
Ang “Magnificent 7” ay kinabibilangan ng FEJODAP, Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Stop and Go Transport Coalition, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, at National Federation of UV Express Inc.