MAY panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may bawas sa presyo ng gasolina at ikaapat na sunod sa diesel at kerosene.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P2.00, diesel ng P0.50, at kerosene ng P0.85.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong price cut maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Mayo 7, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.75, diesel ng P0.90, at kerosene ng P1.05.
Hanggang noong Mayo 7, 2024., ang year-to-date adjustments ay nagtala ng pagtaas na P9.25 kada litro para sa gasolina at P4.70 sa diesel, at pagbaba na P0.80 kada litro para sa kerosene.