KAHIT paano ay makahihinga nang maluwag ang mga motorista makaraang ianunsiyo ng mga kompanya ng langis ang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.60, diesel ng P0.10, at kerosene ng P0.40.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong rolbak maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel, na magtatapyas ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Pebrero 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.75, diesel ng P1.50, at kerosene ng P0.80.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Pebrero 6, naitala ang year-to-date net increases na P5.15 kada litro para sa gasolina, P4.40 sa diesel, at P0.85 sa kerosene.