BAHAGYANG makahihinga nang maluwag ang mga motorista simula ngayong Martes makaraang mag-anunsiyo ang mga kompanya ng langis ng panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may price cut sa diesel at kerosene, at una para sa gasolina matapos ang anim na sunod na linggo ng pagtaas.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.25, diesel ng P0.45, at kerosene ng P0.90.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong rolbak, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng adjustments sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Abril 23, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.55, habang bumaba ang sa diesel ng P0.95, at kerosene ng P1.10.
Hanggang noong Abril 23, 2024., ang year-to-date adjustments ay nagtala ng pagtaas na P10.25 kada litro para sa gasolina, P6.05 sa diesel, at P1.15 sa kerosene.
LIZA SORIANO