SA WAKAS ay naputol din ang ilang magkakasunod na linggong taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., simula ngayong Martes, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay bababa ng P0.20. Nasa P0.50 kada litro naman ang rolbak sa presyo ng kerosene.
Ang Cleanfuel at Petro Gazz ay magpapatupad ng kaparehong bawas-presyo maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng adjustments sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Ang rolbak ay matapos ang 10 sunod na linggong price hikes sa gasolina, at 11 sunod na linggo sa diesel at kerosene.
Noong nakaraang Martes, Setyembre 19, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P2.00, diesel ng P2.50, at kerosene ng P2.00.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Setyembre 19, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P17. 50 kada litro, diesel ng P13.60 at kerosene ng P9.94 kada litro.