(Kasado na ngayong Martes) HIGIT P1/L PRICE HIKE SA DIESEL, GASOLINA

Gasolina

ISA na namang big-time oil price hike ang ipatutupad ng mga kompanya ng langis simula ngayong Martes.

Ito na ang ika-5 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-6 na sunod para sa diesel at kerosene.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.90, diesel ng P1.50, at kerosene ng P2.50.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Ang price increase ay dahil sa pagbabawas ng oil production sa Saudi, ng inaasahang pagbuti ngUS economy, at ng bantang pagganti ng Ukraine kapag nagpatuloy ang Russia sa pagharang sa kanilang ports.

Noong nakaraang Martes, Agosto 8, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas ng P4, kerosene ng P2.75, at gasolina ng P0.50.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 8, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11.50 kada litro, diesel ng P7.10, at kerosene ng P2.60 kada litro.