MATAPOS ang apat na sunod na linggong pagtaas ay may rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Hulyo 16.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi mg Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.60, diesel ng P0.95, at kerosene ng P1.15.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong bawas-presyo maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Hulyo 9, ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene ay tumaas ng P1.60, P0.65 at P0.60 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Hanggang noong Hulyo 9, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P10.85 kada litro, diesel ng P9.05 kada litro, at kerosene ng P2.35 kada litro.
LIZA SORIANO