(Kasado na ngayong Martes) P0.95/L PRICE HIKE SA DIESEL, P0.40/L SA GASOLINA

MULING magpapatupad ng taas-presyo sa kanilang mga produkto ang mga kompanya ng langis simula ngayong Martes, Abril 16.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng diesel ng P0.95, kerosene ng P0.85, at gasolina ngP0.40.

Magpapatupad ang Cleanfuel, Jetti Petroleum Inc, at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang price hike sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na magtataas ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Abril 9, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.10, diesel ng P1.55 at kerosene ng P1.40.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Abril 9, 2024, naitala ang year-to-date net increase na P9.30 kada litro para sa gasolina, P6.05 para sa diesel, at P1.40 sa kerosene.

LIZA SORIANO