(Kasado na ngayong Martes) P1.15/L PRICE HIKE SA GASOLINA, P1.10/L SA DIESEL

MAY malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Nobyembre 26.

Sa abiso ng Shell Pilipinas Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P1.15, diesel ng P1.10, at kerosene ng P0.80.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang price increase sa alas-6 ng umaga para sa Shell habang ang Cleanfuel ay magtataas ng presyo sa alas-4:01 ng hapon.

Naunang sinabi ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na inaasahan ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ngayong linggo dahil sa umiigting na geopolitical tension sa Russia, kasama ang panganib ng pagsasara ng planta sa naturang bansa, at sa oil production outage sa Norway.

Noong nakaraang Martes, November 19, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.85, diesel ng P0.75, at kerosene ng P0.90.

Ngayong taon, hanggang Nobyembre 19, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P9.30 kada litro at diesel ng P8.65 kada litro. Nagtala naman ang kerosene ng net decrease na P2.30 kada litro.