(Kasado na ngayong Martes) P1.20/L PRICE HIKE SA DIESEL, P0.70/L SA KEROSENE

TATAAS ang presyo ng diesel at kerosene simula ngayong Martes habang walang magiging paggalaw sa presyo ng gasolina.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may price hike sa diesel, at ikalawa sa kerosene.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng diesel ng P1.20, at kerosene ng P0.70. Wala namang price adjustment sa gasolina.

Epektibo ang dagdag-presyo sa alas-6 ng umaga para sa parehong kompanya.

Noong nakaraang Martes, October 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.45 kada litro, diesel ng P0.90, at kerosene ng P0.30 kada litro.

Year-to-date, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P6.40 kada litro at P2.85 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

Ang kerosene ay mayroon namang total net decrease na P6.05 kada litro. LIZA SORIANO