MATAPOS ang kakarampot na rolbak noong nakaraang linggo ay may malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Enero 7.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na ang presyo ng kada litro ng gasolina at kerosene ay tataas ng tig-P1.00, at diesel ng P1.40.
Ang Cleanfuel at Petro Gazz ay magpapatupad ng kaparehong taas-presyo, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magtataas ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, December 31, ang presyo ng gasolina at diesel ay bumaba ng P0.30 kada litro, habang ang kerosene ay tinapyasan ng P0.90 kada litro.
Noong 2024 ang presyo ng gasolina ay nagtala ng net increase na P12.75 kada litro, at diesel ng P11.00 kada litro.
Samantala, ang kerosene ay may total year-to-date net decrease na P2.70 kada litro noong 2024.
Base sa price monitoring ng Department of Energy (DOE), sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P51.75 hanggang P74.92 kada litro; diesel, mula P49 hanggang P67.24 kada litro; at kerosene, mula P70.29 hanggang P81,69 kada litro.
LIZA SORIANO