MATAPOS ang katiting na rolbak noong nakaraang linggo ay may big-time price hike sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.60, diesel ng P1.10, at kerosene ng P1.05.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong dagdag-presyo maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magtataas ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Pebrero 13, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.60, diesel ng P0.10, at kerosene ng P0.40.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Pebrero 13, naitala ang year-to-date net increases na P4.45 kada litro para sa gasolina, P4.30 sa diesel, at P0.45 sa kerosene.
Sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay nasa P55.90 hanggang P78.35 kada litro; diesel, P53.77 hanggang P67.40 kada litro, habang ang presyo ng kerosene ay naglalaro sa pagitan ng P72.49 at P83.84 per liter, ayon sa price monitoring ng DOE hanggang Pebrero 13-15, 2024.
LIZA SORIANO