MAY big-time price hike sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Nobyembre 12.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.50, diesel ng P2.10, at kerosene ng P1.20.
Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga.
Noong nakaraang Biyernes ay sinabi ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na inaasahan ang dagdag-presyo sa petrolyo ngayong linggo dahil sa epekto ng bagyo sa output ng United States, naantalang plano na taasan ang OPEC+ production, at plano ng US Federal Reserve na magpatupad ng panibagong interest rate cut.
Ayon sa DOE-OIMB, ang iba pang contributing factors ay ang paghina ng piso, ang premium na idinagdag sa pagbili ng mga produktong petrolyo, at ang freight cost.
Noong nakaraang Martes, Nobyembre 5, ang presyo ng gasolina ay bumaba ng P0.10 kada litro.
Tumaas naman ng P0.75 ang presyo ng kada litro ng diesel at P0.50 kada litro sa kerosene.
Ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P8.65 kada litro at kerosene ng P7.30 kada litro. Nagtala naman ang kerosene ng net decrease na P2.60 kada litro.