(Kasado na ngayong Martes) P2.10/L PRICE HIKE SA DIESEL; P1.90/L SA GASOLINA

PAGTITIPID NG GASOLINA

INANUNSIYO ng mga kompanya ng langis ang big-time price hike sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Hulyo 18.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P1.90, diesel ng P2.10, at kerosene ng P1.80.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Hulyo 11, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.20, habang ang presyo ng diesel ay tumaas ng P0.75, at kerosene ng P0.50.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Hulyo 11, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P5.65 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay bumaba ng P2.95 kada litro at kerosene ng P5.50 kada litro.