MAY big-time rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may bawas-presyo sa gasolina, at ika-5 sunod para sa diesel at kerosene.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P2.45, diesel ng P1.90, at kerosene ng P2.40.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak sa alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magtatapyas ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.
Noong nakaraang Martes, Agosto 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.10, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.45.
Ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P9.50 kada litro at diesel ng P6.65 kada litro ngayong taon.
Samantala, ang kerosene ay may total net decrease na P0.75 kada litro.