(Kasado na ngayong Martes) P2/L PRICE HIKE SA GASOLINA; P2.50/L SA DIESEL

NAKATAKDANG magpatupad ang mga kompanya ng langis ng malakihang pagtaas sa presyo ng petrolyo simula ngayong Martes, Setyembre 19.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex) at Pilipinas Shell Petroleum Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P2.00, diesel ng P2.50, at kerosene ng P2.00.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong taas-presyo maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang adjustment sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex, na magtataas ng presyo sa alas-12:01 ng umaga, at Cleanfuel sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Setyembre 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.20, diesel ng P0.40, at kerosene ng P0.20.

Ito na ang ika-10 sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-11 na sunod para sa diesel at kerosene.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Setyembre 12, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P15.50 kada litro, diesel ng P11. 10 at kerosene ng P7.94 kada litro.