(Kasado na ngayong Martes) P3.50/L PRICE HIKE SA DIESEL; P2.10/L SA GASOLINA

gasolina

MAGPAPATUPAD ang mga kompanya ng langis ng big-time oil price hike simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex) at Pilipinas Shell Petroleum Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P2.10, diesel ng P3.50, at kerosene ng P3.25.

Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Caltex na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Hulyo 25, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P1.35 kada litro, diesel ng P0.45, at kerosene ng P0.35 kada litro.

Ayon sa mga eksperto, ang price increase ay dahil pa rin sa pagbabawas ng oil production ng Russia at Saudi Arabia.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Hulyo 25, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P8.90 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay bumaba ng P0.40 kada litro at kerosene ng P3.35 kada litro.