(Kasado na ngayong Martes) P4/L TAAS-PRESYO SA DIESEL; P0.50/L SA GASOLINA

DIESEL-5

PANIBAGONG malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang sasalubong sa mga motorista ngayong Martes.

Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng diesel ay tataas ng P4, kerosene ng P2.75, at gasolina ng P0.50.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong pagtaas, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang price hike sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel, na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Ang taas-presyo ay kasunod ng anunsiyo ng pagbabawas ng produksiyon ng Saudi Arabia. Noong nakaraang Martes, Agosto 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.10 kada litro, diesel ng P3.50, at kerosene ng P3.25 kada litro.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11 kada litro at diesel ng P3.10 kada litro.

Samantala, ang presyo ng kerosene ay nagtala ng P0.10 kada litrong pagbaba.