(Kasado na ngayong Martes) PRICE HIKE SA DIESEL, ROLLBACK SA GASOLINA

MAY dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa ika-4 na sunod na linggo ay bababa ang presyo ng gasolina, habang tataas ang sa diesel at kerosene matapos ang apat na sunod na linggong rolbak.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng  Chevron Philippines Inc. (Caltex), Seaoil Philippines Corp., at Shell Philippines Corp. na may P0.10 tapyas sa presyo ng kada litro ng gasolina habang may price hike na P0.25 sa diesel at P0.30 sa kerosene.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-bawas sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng adjustments sa alas-4 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, May 14, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P2.00, diesel ng P0.50, at  kerosene ng P0.85.

Hanggang noong Mayo 14, 2024, ang year-to-date adjustments  ng gasolina at diesel ay nagtala ng pagtaas na P7.25 at P4.20 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

May net decrease naman ang kerosene ng P1.65  kada litro.

LIZA SORIANO