(Kasado na ngayong Martes) PRICE HIKE SA DIESEL; ROLLBACK SA GASOLINA

MAY bawas sa presyo ng gasolina, habang tataas ang sa diesel at kerosene simula ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines at Shell Pilipinas na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.10.

Samantala, may dagdag na P0.75 sa presyo ng kada litro ng diesel at P0.50 kada litro sa kerosene.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Sinabi noong Biyernes ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Assistant Director Rodela Romero na inaasahan ang dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo base sa international trading sa nakalipas na apat na araw.

Para sa inaasahang price rollback, sinabi ni Romero na magpapatawag ang Prime Minister ng Israel ng pagpupulong para sa diplomatic solution sa digmaan sa Lebanon na magpapahupa sa tensiyon sa Middle East.

“A price hike could be triggered by the optimism over US fuel demand and drop in crude and gasoline inventories, Israel’s retaliatory attack on Iran’s military sites, which avoided oil infrastructure, geopolitical uncertainties, and tighter Asian regional supplies for gas-oil and jet fuel/kerosene,” anang Energy official.

Noong nakaraang Marres, October 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.20, at diesel at kerosene ng P0.50 kada litro.

Year-to-date, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P8.75 kada litro at P6.55 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

Ang kerosene ay may total net decrease naman na P3.10 kada litro. LIZA SORIANO