MAY dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.50, habang bababa naman ang presyo ng diesel ng P0.40 kada litro, at kerosene ng P0.35 kada litro.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng pagbabago sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Pebrero 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.70 kada litro, diesel ng P0.95, at kerosene ng P1.10.
Hanggang Pebrero 27, naitala ang year-to-date net increases na P5.45 kada litro para sa gasolina, P4.45 sa diesel, at P0.40 sa kerosene.
Sa price monitoring ng Department of Energy (DOE), sa Metro Manila, hanggang Pebrero 29, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P56.60 hanggang P79.25 kada litro; diesel, P54.00 hanggang P66.95 kada litro, habang ang presyo ng kerosene ay nasa pagitan ng P72.44 at P83.83 kada litro.