(Kasado na ngayong Martes) ROLLBACK SA DIESEL, PRICE HIKE SA GASOLINA

MAY dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Seaoil Philippines Corp., at Shell Pilipinas Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.10 habang bababa ang sa diesel ng P0.40, at  kerosene ng P0.70.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-bawas sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Noong nakaraang Martes, Hulyo 16, ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene ay bumaba ng P0.60, P0.90 at  P1.15 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Hanggang noong Hulyo 16, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P10.25 kada  litro, diesel ng P8.15 kada litro, at kerosene ng P1.20 kada litro.

LIZA SORIANO