(Kasado na ngayong Martes) TAAS-PRESYO SA GASOLINA, ROLBAK SA DIESEL

MAY dagdag sa presyo ng gasolina, habang may bawas sa diesel at kerosene simula ngayong Martes.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Seaoil Philippines Corp., at Shell Pilipinas Corp. na tataaa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.90, habang may rolbak sa diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.40.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas- 4:01 ng hapon ng parehong araw.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na ang inaasahang price rollback ay dahil sa pananatili ng krudo sa mas mababang lebel kasunod ng US-brokered ceasefire sa pagitan ng Israel at ng Hezbollah, at sa downward trajectory ng pagkonsumo ng China.

Noong nakaraang Martes, Nobyembre 26, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.15, diesel ng P1.10, at kerosene ng P0.80.

Ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P10.45 kada litro at diesel ng P9.75 kada litro hanggang November 26, 2024.

Ang kerosene ay may net decrease naman na P1.50 kada litro.
LIZA SORIANO