(Kasado na ngayong Martes) TAAS-PRESYO SA GASOLINA, ROLBAK SA DIESEL

MAY dagdag-bawas na naman sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, kung saan tataas ang presyo ng gasolina sa ikatlong sunod na linggo, habang bababa sa diesel at kerosene sa ikalawang sunod na linggo.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp. na ang presyo ng kada litro ng gasolina ay may dagdag na P0.40, habang tatapyasan naman ang sa diesel ng P0.50, at  kerosene ng P0.75.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-bawas sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-aadjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang linggo, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.90, habang ang sa diesel ay bumaba ng P0.20, at kerosene ng P0.40.

Year-to-date, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11.35 kada litro at diesel ng P9.55 kada litro, habang ang kerosene ay may net decrease na P1.90 kada litro hanggang Disyembre 10, 2024.

LIZA SORIANO