(Kasado na ngayong Martes) TAPYAS-PRESYO SA PETROLYO

DOE-1

MAY bawas-presyo ulit sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo na magpapatupad ng price rollback ang mga kompanya ng langis.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tatapayasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.25, diesel ng P0.60, at kerosene ng P0.25.

Magpapatupad ang Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga maliban sa Caltex, na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Oktubre 25, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.35, diesel ng P1.10, at kerosene ng P0.45.

Sa pinakahuling datos ng Department of Energy (DOE), ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P16.45, P38.50 at P29.65 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.