ISANG malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang ipatutupad ng mga kompanya ng langis simula ngayong Martes.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may oil price hike.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tataas ng P2.80, diesel ng P2.25, at kerosene ng P2.40.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong dagdag-presyo maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang price increase sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Enero 17, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.95 at diesel ng P0.50. May bawas-presyo naman na P0.15 sa kada litro ng kerosene.
Hanggang noong Enero 17, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P3.10 habang ang diesel ay bumaba ng P0.20 kada litro.