MULING magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo simula ngayong Martes. Ito na ang ika-4 na sunod na linggo na may oil price rollback.
Sa abiso ng Seaoil Philippines Inc., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P1.65, diesel ng P1.25, at kerosene ng P1.35.
Ang Cleanfuel at Petro Gazz ay magpapatupad ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya, maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Setyembre 20, ang presyo ng kada litro ng diesel ay may bawas na P4.15 at kerosene ng P4.45.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Setyembre 20, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P16.50, P30.65 at P25.45 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Sa datos ng DOE, hanggang September 6-8, 2022, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P63.75 hanggang P73.55 kada litro sa Quezon City; diesel, P77.20 hanggang P81.95 sa Makati City; at kerosene, P82.11 hanggang P93.45 kada litro.