SA IKATLONG sunod na linggo ay may rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong Martes, Hulyo 19.
Sa abiso ng Seaoil Philippines Inc., bababa ang presyo ng kada litro ng kanilang gasolina ng P5, diesel ng P2, at kerosene ng P0.70.
Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang rolbak ngayong alas-6 ng umaga.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang bawas-presyo sa petrolyo ay sanhi ng paghina ng demand sa ibang mga bansa at ng lockdowns sa China.
Noong nakaraang Martes, Hulyo 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P5.70, diesel ng P6.10, at kerosene ng P6.30.
Sa monitoring ng DOE, ang presyo sa Metro Manila ay naglalaro sa P76.45 kada litro (Caloocan City) hanggang P98.40 kada litro (Muntinlupa City) para sa gasolina; mula P83.20 kada litro (Quezon City) hanggang P98.00 kada litro (Pasay City); at mula P89.74 kada litro (Manila) hanggang P99.14 kada litro (Taguig City) para sa kerosene hanggang noong Hunyo 30, 2022.