(Kasado na ngayong Martes)P6.85/L PRICE HIKE SA DIESEL; P1.20/L SA GASOLINA

OIL PRICE ROLLBACK

MATAPOS ang limang sunod na linggong rolbak ay may malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Oktubre 11.

Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng diesel ay tataas ng P6.85, gasolina ng P1.20, at kerosene ng P3.50.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-8:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Oktubre 4, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay bumaba ng P0.45, habang ang kerosene ay may tapyas na P0.85 kada litro.

Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Oktubre 4, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P14.45, P28.95 at P23.25 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.