MAY dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.95 at kerosene ng P0.50, habang bababa ang presyo ng kada litro ng diesel ng P0.20.
Epektibo ang adjustments sa alas-6 ng umaga.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may pagtaas sa presyo ng gasolina at kerosene.
Noong nakaraang Martes, Disyembre 20, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.70, diesel ng P2.90, at kerosene ng P1.65.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Disyembre 20, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P13.95, diesel ng P27.50 at kerosene ng P20.80.