APRUBADO na ang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa Calabarzon region, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na inaasahang ilalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng Region 4A ang bagong wage order ngayong Setyembre.
“Bukod sa National Capital Region — ang kanilang wage order ay naging produktibo noong nakaraang July 17, susunod na po diyan ang Region IV-A o Calabarzon,” sabi ni Laguesma sa isang panayam sa state-run media.
Ang huling wage hike sa Calabarzon ay inilabas noong September 2023, na nagkakaloob sa mga manggagawa ng P35 hanggang P50 umento sa kanilang daily minimum wage.
Ayon kay Laguesma, ang ibang regional wage boards ay nasa proseso ng pagrerepaso sa minimum wage rates sa kani-kanilang lugar o magsisimulang gawin ito sa mga susunod na buwan.
“Nung Agosto, ang Regions 2, 3, 7, and 12 nagsimula na ang proseso. Itong buwan na ito, sa kasalukuyan, gagawa na rin ng kanilang pagrerepaso at konsultasyon ang Regions 1, 6, and 9. Sa darating na Oktubre, ang magsasagawa ng konsultasyon… ay ang Regions ng CAR/Cordillera Administrative Region, ang Region IV-B/Mimaropa, at ang Regions 5 and 8. Pinakahuli dyan, sa Nobyembre, ay yung Regions 10 and 13,” aniya.
Sinabi ng kalihim na alinsunod ito sa direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa Labor Day celebration noong nakaraang Mayo.
“Kailangan ang lahat ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ay magsagawa ng timely review 60 days prior to the anniversary date ng mga nakaraang wage order nila,” dagdag pa niya.