(Kasado na sa pag-apruba sa RPVARA) AMNESTIYA SA ‘DI NAKABAYAD NG INTERES, MULTA SA REAL PROPERTY TAX

INAPRUBAHAN na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) na magbibigay ng amnestiya sa loob ng dalawang taon sa mga hindi nakabayad ng interes at multa sa real property tax.

“Ang hindi pagbabayad ng mga interes, multa, at surcharge sa mga hindi nabayaran o delingkwenteng real property tax sa pamamagitan ng amnesty component ng RPVARA ay maghihikayat sa mga taxpayer na sumunod sa mandatong magbayad ng buwis at magpapahusay sa pagsisikap ng gobyernong mangolekta ng buwis,” ani Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means.

Ang RPVARA ay isang priority legislation ng administrasyong Marcos kung saan ang pagsasabatas ng naturang panukala ay magpapabilis sa pag-automate ng mga serbisyong ibinibigay ng mga local government unit (LGU), na magpapahusay naman sa pangongolekta ng buwis at pagpapabuti ng paghahatid ng mga serbisyo.

Kabilang dito ang pagtatatag ng Real Property Information System na magpapanatili ng updated electronic database ng mga impormasyong may kinalaman sa mga transaksiyon ng real property sa bansa.

“Sa pamamagitan ng RPVARA, ang bansa ay magkakaroon ng pare-parehong mga pamantayan para sa real estate assets na magtataguyod ng transparency at magpapaigting ng kumpiyansa sa mga mamumuhunan,” sabi ni Gatchalian.

Aniya, ang pagtatatag ng isang standard valuation ay magtataguyod ng equity dahil ito ay magpapatupad ng mga karapatan sa ari-arian, na magreresulta sa paglaki ng yaman sa pamamagitan ng pag-convert at paggamit ng mga lupain at iba pang property unit para sa ikauunlad ng ekonomiya.

Sinabi ni Gatchalian na ang real estate at land enable wealth generation ng bansa ay nasa 30.7% lamang, mas mababa kaysa sa average ng mga pangunahing ekonomiya sa Southeast Asia na nasa 35%, kaya kinakailangang magtatag ng pare-pareho o uniform valuation standard para sa real estate nang sa gayon ay makaakit ng mga mamumuhunan.

Ipinunto niya na batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang halagang idinagdag na kontribusyon ng real estate at pagmamay-ari ng tirahan noong 2023 ay umabot sa kahanga-hangang P1.37 trilyong piso, katumbas ng 5.6 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kabilang sa real property tax ang iba pang buwis gaya ng Special Education Fund, Idle Land Tax, at iba pang special levy taxes. Ang mga buwis na ito ay maaaring ipataw ng isang local government unit (LGU) alinsunod sa Local Government Code.

VICKY CERVALES