MARAMING tao ang nag-aakalang ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan, kasama na ang mga sumasampalataya sa Kanya, ay mag-tiis ng hirap at karalitaan. Akala ng ilan, natutuwa ang Diyos kapag nagdurusa ang mga tao. Maling-mali ang paniniwalang ito. Ang sabi ng Diyos sa Bibliya ay ito: “Alalahanin ninyo ang Panginoong Diyos sapagkat siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihang lumikha ng kayamanan.” (Deuteronomio 8:18) Maliwanag sa talatang ito na ang kalooban ng Diyos ay dumanas ng malinis na kayamanan ang mga sumusunod sa Kanya. Ang mga ama ng pananampalataya sa Bibliya – sina Abraham, Isaac, at Jacob – ay pawang pinayaman ng Diyos. Ang orihinal na plano ng Diyos para sa tao ay ang mabuhay sa kasaganaan.
Nang nilikha ng Diyos ang mga unang tao – sina Adan at Eba – inilagay Niya sila sa Paraiso o Hardin ng Eden kung saan sobra-sobra ang mga pagpapala ng Diyos. Ang pagkain nila roon ay ang mga bunga ng mga puno at halaman. Samu’t saring masasarap ng prutas ang nilikha ng Diyos para sa kasiyahan ng sangkatauhan. Mahal na mahal ng Diyos ang mga tao. Nilikha Niya sila para maging mga katiwala Niya na mangangasiwa at mag-aalaga sa buong sanlibutan. Sila ang mga representante ng Diyos sa lupa. Samu’t sari mga hayop, ibon, at isda ang kanilang kasama at mga alaga. Samu’t saring mga bulaklak na may iba’t ibang bango ang itinanim ng Diyos para sa ikaliligaya ng mga tao. Nag-uumapaw na biyaya at pagpapala ang ibinigay ng Lumikha sa sangkatauhan. Binigyan din sila ng trabaho – ang bungkalin at pangalagaan ang hardin. Hindi kalooban ng Diyos na mamuhay sa katamaran ang tao. Alam ng Diyos na ang taong kaawa-awa ay ang walang ginagawa. Ang malungkot na tao ay ang walang trabaho.
Iisa lang ang utos ng Diyos na dapat sundin ni Adan at Eba. Ang utos ng Diyos sa kanila ay ito: “Lahat ng mga punong-kahoy sa halamanan ay inyong pagkain. Iisa lang ang bungang huwag niyong kakainin – ang bunga mula sa puno sa gitna ng hardin na tinatawag ng ‘Puno ng kaalaman ng mabuti at masama.’”
Masayang-masayang namumuhay sa hardin si Adan at Eba. Habang sumusunod sila sa Diyos, sila ay may magandang ugnayan. Lumalakad ang Diyos sa piling nila at kinakausap sila nang mukhaan. Sa kasawiang-palad, may nangyaring ikinasira ng napakagandang kalagayan ng sangkatauhan. Dumating ang manunukso at tinukso si Eba na kumain ng ipinagbabawal na bunga. Nang makita ni Eba na maganda sa paningin ang bunga, mukhang masarap itong kainin, at makapagbibigay raw sa kanya ng karunungan, nalinlang siya at kumain siya. Inalok niya ang asawa niya. Alam na alam ni Adan na ipinagbabawal ng Diyos ang kumain ng bungang iyon, subalit sumuway siya sa Diyos at kumain din siya. Sa sandaling iyon, naramdaman nila ang pagkakasalarin nila at ang kahihiyan. Gumawa sila ng mga damit mula sa dahon para pagtakpan ang kanilang kahubaran. Nasira na ang ugnayan nilang mag-asawa. Nang dumating ang Diyos para makipagniig sa kanila tulad ng dati, inalihan sila ng takot at kahihiyan at pinagtaguan nila ang Panginoon. Nasira na ang ugnayan nila sa Maykapal. Tinawag ng Diyos ang lalaki, “Adan, nasaan ka?” Sumagot si Adan, “Nagtago ako kasi nakahubad ako.” Tinanong siya ng Diyos, “Sino ang nagsabi sa iyong nakahubad ka? Kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
Sa halip na magsisi si Adan sa kanyang pagkakasuway, ano ang ginawa niya? Sinisi niya ang kanyang asawa. Sinabi niya, “Ito kasing babaeng ibinigay mo sa akin, inalok akong kumain at kumain ako.”
Mula noon, pumasok na ang kasalanan sa puso ng sangkatauhan. Tumatakas na sila sa presensiya ng Diyos. Nasira na ang relasyon ng mga mag-asawa. Dahil sa kanilang pagkakasala at hindi pagsisisi, pinalayas sila mula sa mayamang Hardin ng Eden. Tumira sila sa lupaing tinutubuan ng mga tinik. Doon na nagsimula ang paghihirap ng sangkatauhan. Nang magkaanak sila, pinatay ng panganay ang kapatid niya dahil sa inggit at pagseselos. Dinapuan ng sakit ang katawan ng mga tao at sila ay namamatay.
Kung nagsisi sana sila sa kanilang pagkakasala, maaaring pinatawad sila ng Diyos dahil mahabagin ang Maykapal. Ang sabi ng Bibliya, “Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.” (Awit 34:18) at “Nagbibigay ng biyaya ang Diyos sa lahat ng mga mapagkumbaba.” (Santiago 4:6).
Maaaring maibalik ang orihinal na plano ng Diyos na kasaganaan at malinis na kayaman kung ang tao ay magsisisi sa kasalanan, tatanggapin ang Panginoon sa kanilang puso, at susundin ang mga prinsipyo ng Diyos ukol sa kaperahan.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapino-piso, nakaka-isang libo.”
Comments are closed.