HINDI ko talaga maarok ang panibagong hakbang na ginawa ng bansang China sa kanilang pilit na pagpapatunay na sila ang mag-isang may karapatan sa dating tinatawag natin na South China Sea.
Lumakas lamang ang loob ng China na manghimasok mula nang lumakas ang kanilang ekonomiya.
Kaliwa’t kanan ang pag-angkin nila ng teritoryo na walang basehan sa ilalim ng international maritime law.
Marami ang apektadong bansa sa kanilang deklarasyon na tinawag nilang ‘Nine-dash line’ kung saan ang mga maliliit na isla sa loob ng South China Sea, na ngayon ay tinatawag nating bilang West Philippine Sea, ay inaangkin ng China.
Dahil sa ginawa nilang hakbang, nagprotesta dito ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Indonesia.
Para sa mga bansang ito, walang matibay na ebidensya ang China upang sakupin ang halos kabuuan ng South China Sea.
Ang mga bansa sa Europa at Estados Unidos ay sang ayon sa protesta ng mga nasabing bansa. Ano ba talaga ang pakay ng China upang maglakas loob na pilitang angkinin ang nasabing karagatan?
Alam naman nating lahat na napakalakas na ang ekonomiya ng China. Sa katunayan, sumasabay na ang China sa kanilang export products sa buong mundo tulad ng mga electronic gadgets, sasakyan, computers, makinarya, at marami pang iba. Sa laki ng kanilang bansa, kumpleto na rin sila sa produktong agrikultura at langis. Malawak din ang yaman ng kanilang karagatan sa hilagang bahagi ng kanilang bansa.
Eh ha bakit naman pati ang West Philippine Sea ay ipinagkakait nila sa mga maliliit na mangingisda ng Pilipinas? Hindi naman tayo tulad ng mga ibang bansa na tone-tonelada kung humakot na mga biyaya ng dagat.
Kaya naman ang paglagay ng mga tinatawag na ‘floating barrier’ sa may Bajo de Masinloc sa may West Philippine Sea upang pagbawalan ang ating mga mangingisda ay rurok na yata ng kasakiman.
Karamihan ng mga itinataboy ng mga coast guard ng China ay gumagamit lamang ng bangka na may katig ng kawayan lamang.
Mas maliit pa sa katiting marahil ang epekto nito sa kabuuang ekonomiya ng China kung ating tutuusin. Banta ba ang mga maliliit nating mangingisda sa seguridad ng China? Susmaryosep. Sabi nga ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tatlong araw lamang ng digmaan sa pagitan ng China at Pilipinas ay malamang ubos na ang mga bala at gamit pandigma.
Kung marangal ang layunin ng China sa pagsakop ng tinatawag nilang ‘nine-dash line’, hindi naman mahirap para sa China na magkaroon ng malinaw sa ugnayan na payagan ang ating mga mangingisda na pumasok sa mga piling lugar habang patuloy ang paglinaw sa nasabing ‘nine-dash line’.
Mahirap ang ginagawa ng mga bansang tulad ng China, Russia at North Korea na tila nag-uudyok ng digmaan sa mga ibang bansa. Nangyayari na ito sa Ukraine sa Europa.
Nakakainis at nakakagalit lang na ang kapakanan natin para sa matiwasay sa buhay at kapayapaan ay nasa ilalim ng mga ilang sakim na namumuno na kanilang bansa. Haaaay, ang kasakiman nga talaga…