BILANG commander in chief,pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawang pakiki-isa ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa ika-158 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.
Bago mag-alas-8 ng umaga, dumating ang Pangulong Duterte para sa programa, kung saan nagkaroon ng flag raising at wreath-laying ceremony sa Pinaglabanan shrine,ang dambanang itinayo para maalala ang makasaysayang Battle of San Juan del Monte noong 1896 Philippine Revolution na pinangunahan ni Bonifacio kasama ang mga Katipunero.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Duterte ang kabayanihan ni Bonifacio na hanggang ngayon ay nagbibigay ng pag-asa at determinasyon sa bagong henerasyong nakikipagsapalaran sa COVID-19 pandemic.
Kasabay ng okasyon, hinikayat ni Duterte ang mga kabataan na gayahin ang kabayanihan at pagmamahal sa bayan ni Bonifacio kahit sa mga munting paraan.
Ginawaran din ng Pangulo ng posthumous Order of Lapu-Lapu Rank of Magalong si Bonifacio kung saan ang kaanak nitong si Buena Grace Distrito ang tumanggap ng award.
Ito ang ikalawa at huling beses na pinangunahan ni Duterte ang pagdiriwang ng Bonifacio Day sa kaniyang termino na noong una ay ginawa noong 2019.
Kasama ni AFP Chief of Staff Gen Andres Centino si Pangulong Duterte na namumuno sa wreath-laying ceremony sa Spirit of Pinaglabanan Monument sa Pinaglabanan Shrine, San Juan City.
“Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa mamamayang
Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ni Andres Bonifacio bilang pagpupugay sa Ama ng Rebolusyong Pilipino na ang pagiging makabayan at kabayanihan ay nag-iwan ng pamana ng kalayaan, dignidad at soberanya para sa ating bansa at mamamayan,” ayon kay Centino na isinunod ang pangalan kay Gat Andres Bonifacio.
‘Nakikiisa ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa bansa sa paggunita sa buhay at pamana ni Andres Bonifacio. Siya ay isang taong mababa ang pinagmulan na nangahas na mangarap ng isang malaya at malayang bansang Pilipino,” pahayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
“Ngayon, lalakas ang loob natin sa pagharap sa ating kasalukuyang mga hamon na inspirasyon ng pagiging makabayan at tiyaga ng Great Plebeian. Inilatag niya ang batayan para sa pagbuo ng ating republika, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtupad sa ating mga indibidwal na tungkulin at pagtutulungan tungo sa iisang layunin,” dagdag pa ni Lorenzana.
Iginiit ng kalihim,tulad ni Bonifacio, nawa’y maging tapat ang lahat ng mga tagapangasiwa ng kalayaan ng bansa at italaga ang sarili sa paglilingkod sa kapwa. VERLIN RUIZ