UMAKYAT na sa 19 ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa bansa ngayong holiday season, at kabilang dito ang isang 7-anyos na batang lalaki na kinailangan pang putulan ng mga daliri matapos na masabugan ng ginamit na paputok nitong bisperas ng Pasko.
Batay sa Fireworks-Related Incidents Report ng DOH, ang bata ay mula sa General Trias, Cavite at aktibong gumamit ng paputok dakong 9:30 ng umaga ng Disyembre 24.
Isinugod at kasalukuyang pang naka-confine sa Philippine General Hospital (PGH) ang ‘di pinangalanang biktima kung saan siya na-diagnosed ng mga doctor na nagtamo ng ‘mangled left hand secondary to blast injury.’
Ayon sa DOH, kinailangang putulin ang kaliwang palasinsingan at hinliliit ng bata dahil sa matinding pinsala nito mula sa ‘di pa natukoy na uri ng paputok na kanyang ginamit.
Sinabi ng DOH na ang naturang batang lalaki ay kabilang sa siyam na bagong biktima ng paputok, na naitala nila mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 25 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 26.
Sa kabuuan, o mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 26, umaabot na sa 19 ang naitatala ng DOH na fireworks-related injuries sa bansa dahil sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon, na may age range na mula 4 hanggang 60-taong gulang.
Nilinaw naman ng DOH na mas mababa pa rin naman ang naturang bilang ng 37% o 11 kaso mula sa 30 FWRI na naitala nila sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon, at 61 cases o 76% naman na mas mababa sa five-year average (2014-2018).
“The 19 cases were injuries due to fireworks. No stray bullet injury or firework ingestion reported. No death reported,” anang DOH.
Karamihan sa mga nasugatan ay mula sa National Capital Region na nakapagtala ng 4 kaso; sumunod ang Calabarzon at Region 1 na may tig-3; Regions 2 at 7 na may tig-2 kaso; habang nakapagtala naman ng tig-isang kaso ang Mimaropa at Regions 5, 6, 11 at 12.
Pinakamarami pa ring lalaking nabibiktima ng paputok na umabot sa 74% o 14 pasyente.
Ang 11 o 58% ng mga biktima ay nagtamo ng blast/burn injuries without amputation, 37% o pitong pasyente ang nagtamo ng eye injuries at isa o 5% ang nagtamo ng blast/injury requiring amputation.
Iniulat naman ng DOH na ang mga paputok na may pinakamaraming nabiktima ay ang boga na nakapambiktima na ng apat na katao, sumunod ang luces na isang legal na paputok na nakasugat naman ng tatlong indibiduwal.
Tig-iisa naman ang nabiktima ng 5-star, baby rocket, bamboo canon, fountain, kalburo, kuwitis, mini bomb, piccolo, at whistle bomb, habang ang tatlong iba pang biktima ay hindi batid kung anong uri ng paputok ang ginamit.
Kaugnay nito, patuloy namang umaapela ang DOH sa publiko na umiwas na sa paggamit ng paputok upang matiyak na magiging ligtas ang gagawin nilang pagsalubong ng Bagong Taon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.