(Kasambahay, driver iginapos) BAHAY NG INDONESIAN NILIMAS NG 7 ARMADONG KALALAKIHAN

CAVITE- PINASOK ng 7 armadong kalalakihan ang bahay ng isang Indonesian na iginapos kasama ang mga katulong at driver nito bago nilimas ang mahahalagang gamit at pera ng dayuhan kamakalawa ng hapon sa Grand Centennial Homes, Brgy. Magdalo-Potol sa Kawit .

Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-5 ng hapon nang maganap ang insidente sa bahay ng biktimang si Fendy Apriyanto, 29-anyos , POGO Supervisor, residente ng Grand Centennial Home, Brgy. Magdalo-Potol, Kawit, Cavite.

Nabatid na nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang mga katulong at drivers nito nang pasukin sila ng mga suspek na bumaba mula sa isang puting van na Toyota Hiace.

Ang 7 armadong kalalakihan na bumaba ay pawang mga nakasuot ng itim na jacket at long sleeves, naka-sumbrero at face mask din.

Agad na tinutukan ng mga ito ang security guard na nakabantay sa gate ng bahay na si Gilbert Tabbu Angoluan, 34-anyos kaya’t nakapasok ang mga suspek.

Mabilis na iginapos ang biktima at mga kasambahay at driver nito na nakilalang sina Monares Dula Hermesito, 46- anyos, company driver; Sandro Buena Sandrino, 36- anyos, driver/security; Crisanta Hito Tupas, 43-anyos , housekeeper; Engelbert Cuizon Germanio, 38-anyos , driver at Jeanly Dianga Paquilit, 38-anyos , housekeeper.

Nilimas ng mga suspek ang lahat ng mahahalagang gamit sa loob ng bahay , cellphones, ID’s, 1 Taurus caliber 9mm at pera na hindi pa mabatid ang kabuuang halaga .

Kasalukuyang nagsasagawa ng dragnet operation ang Kawit Police hinggil sa insidente. SID SAMANIEGO