KASAMBAHAY TRATUHING KAPAMILYA

kasambahay

IGINIIT  ni Senador JV Ejercito na napakahalaga ng serbisyo at katapatan ng mga kasambahay kaya’t nararapat lang na tratuhin din silang bahagi ng pamilya.

Sa pagdalo nito sa “Kasambahay, Kasambuhay Pilipinas 2018 Awards” sa Araneta Coliseum nitong Lunes, inihayag ng senador ang taos-pusong pasasalamat sa mga kasambahay dahil sa kanilang matapat na pagli­lingkod sa pamilyang kanilang pinagsisilbihan.

“Ang mga kasambahay ang nagpapadali ng ating pang araw-araw na buhay. Sila ay parte na ng ating mga pamilya. Karangalan ko na maging bahagi ng okasyong ito kung saan bibigyang pugay natin ang a­ting mga minamahal na kasambahay,” ani Ejercito.

Si Ejercito, binansagang “Mr. Healthcare” ng Senado, ang principal author ng Republic Act. No. 10361 o “Batas Kasambahay”, isang batas na nangangalaga sa kapakanan ng mga domestic helper.

Nakapaloob sa naturang batas ang mga karapatan at pribilehiyo ng kasambahay, tulad ng maayos na matutulugan, pagpapaga-mot, privacy, pagkakaroon ng outside communication, pagkakataong mag-aral, tapusin ang kontrata kung may sapat na dahilan, pati pagsamba ayon sa kanyang relihiyon.

Bukod sa tamang benepisyo, sinabi ni Ejercito mahalaga ang maayos na pakikitungo sa mga kasambahay at pagpapasalamat sa tapat nilang serbisyo.

Kabilang sa naturang pagdiriwang,  ang pagkakaloob sa 10 kasambahay ng financial award at plaque of recognition na inilunsad sa pangunguna ng Junior Chamber International (JCI) Senate Philippines Inc., at Palawan Pawnshop president at CEO Bobby Castro.

“The awards program will attempt to draw inspirational life lessons from the simple lives and accomplishments of our loyal household workers,” paliwanag ni Castro.

Ang mga pinarangalan ay mula sa Central at Northern Luzon, National Capital Region, Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang nasabing parangal ay bukas sa mga yayang Filipino, labandera, tagaluto, driver, gardener at iba pang household workers na matapat na naglingkod sa kanilang employer nang hindi bababa sa pitong sunod na taon.

Pinili ang mga nagwagi base sa istorya ng kanilang buhay na nagpakita ng kagandahang asal ng mga Filipino tulad ng pagiging hindi mapag-imbot, katapatan at pagmamahal sa isa’t isa.  VICKY CERVALES

Comments are closed.