PATULOY ang pag-angat ng kabuhayan ng mga taga-Atimonan, Quezon sa tulong ng programang Kaisa sa Kasanayan at Kabuhayan ng Atimonan One Energy, Inc. (A1E). Malaking tulong na ang naibahagi ng nasabing programa sa mga residente ng ilang barangay sa Atimonan para magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagnenegosyo at karagdagang kita.
Dahil sa lokasyon ng Atimonan na malapit sa karagatan, pangingisda at pagtatanim ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente ng munisipalidad. Ayon sa 2015 datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), may kabuuang populasyon na 63,432 ang lalawigan na may 42 barangay.
May ilang taon na rin ang programang Kaisa sa Kasanayan at Kabuhayan ng A1E at nakatulong na ito upang makapagbigay ng kabuhayan sa mga residente.
Isa na ang Gulayan sa Bakuran sa Carinay, na inilunsad ng A1E sa pakikipagtulungan sa mga lokal na sangay ng Kagawaran ng Agrikultura noong taong 2018.
Upang mapalawak pa ang Gulayan sa Bakuran at mapaigting ang kaalaman ng mga miyembro ng New Carinay Homeowners Association, Inc., (NCHAI) humingi ng ayuda ang A1E sa Office of the Provincial Agriculture (OPA) at Office of Municipal Agriculture (OMA), noong nakaraang taon.
Sa tulong ng OPA at OMA, ipinamahagi sa mga residente ng Carinay ang aabot sa 2,000 supot ng pananim na gulay kagaya ng talong, pechay, mustasa, okra, kamatis, pipino, labanos, kalabasa, ampalaya, patola at upo.
Bukod dito, 60 pananim na halamang gamot din ang pinagkaloob sa kanila ng lokal na sangay ng agrikultura.
Malapit nang anihin ng mga residente ang mga gulay na itinanim nila noong Setyembre nang nakaraang taon.
Inaasahan ng A1E na magiging pangunahing tagapag-suplay ng iba’t ibang klase ng gulay ang komunidad ng NCHAI sa Atimonan at karatig bayan.
Ayon kay Margarita Trapalgar, miyembro ng NCHAI, malaking tulong ang naibigay sa kanyang pamilya ng programang Gulayan sa Bakuran.
“Naging mas responsable kami sa pag-aasikaso ng aming gulayan dito sa Carinay. Ngayon, mayroon na kaming masustansiyang gulay at mayroon pa kaming karagdagang pinagkakakitaan kapag sobra ang aming naaaning gulay,” dagdag niya.
MGA BAGONG ASOSASYON
Bukod sa pagsasanay at karagdagang kita, pinangungunahan rin ng A1E ang pagpapatibay ng mga opisyal na livelihood associations sa Atimonan upang maging mas sustenable ang mga ito.
Ilan sa mga grupong nairehistro sa Department of Labor and Employment ang mga sumusunod: Atimonan Coastal Food Production Association (ACFPA), Atimonan Haircutters Association, Heavenly Touch Therapeutic Massage Association at Villa Ibaba Handicrafts Association (VIHA).
Nais ng A1E na maging lehitimo ang pagkakatatag ng mga asosasyon upang ang mga ito ay makatanggap rin ng karagdagang suporta at pinasyal na ayuda mula sa mga sangay ng pamahalaan sa hinaharap.
Kamakailan lang naitampok sa Kalakal Quezon Trade Fair ang mga produkto ng dalawang association, ang spanish sardines ng ACFPA at bamboo wind chimes ng VIHA.
Naging maganda ang pagtangkilik sa mga nasabing produkto bagama’t ito ang unang pagkakataon na lumahok sa ganitong aktibidad ang dalawang grupo.
Layunin ng aktibidad na maipakilala ang mga micro, small and medium enterprises sa merkado at mapalawak pa ang pagtangkilik sa mga lokal na produkto.
“Malaki ang naging papel ng A1E para mapatibay ang aming organisasyon at para maipakilala pa namin ang aming spanish sardines sa iba pang merkado sa labas ng Atimonan,” sabi ni ACFPA President Maritess Atienza.
“Bukod pa dito, tinulungan din nila kami para makagawa ng plano upang mas maging maayos ang pagpapatakbo ng aming negosyo, mapataas ang kalidad ng aming mga produkto, at mas maparami pa ang benta,” aniya.
Nakapagsimula na rin ng dalawang “Perfect Cut” salon ang Atimonan Haircutters Association – isa noong Nobyembre at isa nito lamang Pebrero.
Patuloy naman ang pagbibigay ng propesyunal na masahe ng mga miyembro ng Heavenly Touch Therapeutic Massage.
Ang miyembro ng mga grupong ito ay sumailalim sa pagsasanay na isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang maging mga propesyunal.
“Marami sa amin ang talagang nakinabang sa pagsasanay na ginawa ng TESDA. Imbis na magtsismisan, ngayon ay mas nagagamit na namin ng maayos ang aming oras,” kuwento ni Babylyn Requillas, president ng Atimonan Haircutters Association.
“Ako mismo ay sobrang nagpapasalamat dahil sa oportunidad na magkaroon ng karagdagang kita para suportahan ang pangagailangan ng aking pamilya, partikular na ang aking mga anak.”
Comments are closed.