SA LIMANG magkakasunod na pagkakataon, sa loob ng 60 taon ng pamosong international art festival na La Biennale Di Venezia (Venice Biennale), muling naging bahagi at isa sa may magagandang atraksyon sa larangan ng sining ang Pilipinas.
Kabuuang 88 bansa ang kalahok sa Venice Biennale 2024 festival na kabibilangan ng Benin, Ethiopia, Timor Leste, Tanzania, Panama at Senegal. Ang ating bansa, muli ay magkakaroon ng sarili nitong pavilion upang solong maipakita ang mga sining ng Pilipino mula Abril 20 hanggang Nobyembre 24, 2024.
Matatandaan na unang lumahok ang Pilipinas sa pandaigdigang art festival na ito noong 1964 kung saan ikinatawan tayo ng ating mga artist na sina Jose Joya na isang pintor at iskultor na si Napoleon Abueva. Mula noon, hindi na naulit ang ating pagpasok sa Venice Biennale, subalit taong 2015, sa ika-56 taon nito ay muli tayong nakakuha ng pagkakataong maipakita sa mundo ang ating sining.
Ang pagbabalik natin sa Biennale ay dahil na rin sa pagpupursige ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda at sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts at ng Department of Foreign Affairs. Kaya nararapat lang na pasalamatan natin ang mga ahensiyang ito, partikular si Senator Loren na naging daan upang muli nating maipakita sa mundo ang galing ng Pilipino sa larangan ng sining.
Ngayong taon, dahil may sariling pavilion ang Pinas sa naturang art festival, maipakikita ang mga obra ni Mark Salvatus sa pangangasiwa ni Carlos Quijon, Jr. Ang Mark Salvatus work ay pinamagatang “Sa kabila ng tabing lamang sa panahong ito (Waiting Just Behind the Curtain of this Age)”. Ipinakikita nito ang katatagan ni Apolinario dela Cruz o mas kilala sa tawag na Hermano Puli ng lalawigan ng Quezon na ipaglaban ang kalayaang pang-relihiyon sa kasagsagan ng pananakop ng mga Kastila. Makikita rito ang makasaysayang Lucban at Mt. Banahaw.
Bukod kay Salvatus, limang Pinoy rin ang napiling lumahok sa exhibition, na kinabibilangan nina Pacita Abad, Anita Magsaysay-Ho, Nena Saguil, Joshua Serafin at Maria Taniguchi. Ang titulo ng exhibition: “Foreigners Everywhere” na talaga namang akmang-akma rin sa atin dahil ngayon, kahit saang sulok na yata ng mundo ay merong Pilipino. Sa datos nga ng Philippine Statistics Office noong 2020, umaabot na sa mahigit 2 milyon ang mga Pinoy sa ibayong dagat.
Aktibo rin tayo sa paglahok sa Venice Architecture Biennale mula pa noong 2016, kung saan, noong ngang 2021, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatanggap ang Pilipinas ng parangal. Ito ay ang collaborative exhibition na “Structures of Mutual Support” ng GK Enchanted Farm community ng ating mga arkitektong sina Sudarshan V. Khadka Jr. at Alexander Eriksson Furunes.
Noong nakaraang taon naman, sa 2023 edition nito na natapos noong Nobyembre 2023, nagkaroon din ng sariling pavilion ang bansa: ang Tripa de Galina: Guts of Estuary. Sumentro ang exhibition sa isang estero sa Maynila at sa kabuuang komunidad na sakop nito, at ang pagiging bahagi nito sa kasaysayan ng Pilipinas at ang katayuan ng ating mga estero sa kasalukuyang kondisyon ng ating kalikasan..
Mula nang tayo ay maging chairman ng Senate committee on Finance noong 2019, solido na ang ating pagsuporta sa bansa sa paglahok nito sa Venice Biennale. Mula 2020 hanggang 2024, sinisiguro natin na may kaukulang pondo sa ilalim ng pambansang budget ang paglahok natin dito.
Nakatutuwa ring ibalita na sa kauna-unahang pagkakataon ay nakalahok din ang Pilipinas sa Bologna Children’s Book Fair, ang pinakamalaking international fair para sa mga panulat na pambata mula April 8 hanggang April 11, 2024.
Sa pangunguna ng National Book Development Board at ng Philippine Board on Books for Young People, iprinisinta natin dito ang may 103 na aklat na nagpapakita ng kulturang Pinoy, ang ating pagkakakilanlan, kapayapaan, komunidad at ang kalikasang Pinoy.