KASAYSAYAN NG MGA KATUTUBO DAPAT ITURO SA MGA PAARALAN

Sen-Sonny-Angara

KUNG kabilang sa mga asignaturang itinuturo sa mga paaralan ang kasaysayan ng mga Filipinong katutubo, mas maiintindihan natin ang kanilang tradisyon at kultura.

Ito ang ipinahayag ni Senador Sonny Angara, matapos niyang hikayatin ang sektor ng edukasyon na ipalaganap sa mga paaralan ang pag-aaral sa indigenous peoples history.

Base sa Integrated History Law o ang RA 10908 na ini­akda ni Angara at pinagtibay noong 2016, iniaatas ng batas na ipatupad ang pag-aaral sa kasaysayan ng mga katutubo mula elementarya hanggang sekondarya.

“Sa pamamagitan nito, mas maiintindihan natin ang kanilang totoong buhay – ang kanilang kultura, paniniwala, tradisyon na dapat nating pahalagahan. Ito ang mga kaalaman na dapat nating ibahagi sa mga kabataan ng kasalukuyan at darating pang henerasyon. Dito magsisi­mula ang tunay na kapayapaan sa a­ting bayan,” ani Angara, kasabay ng pagdiriwang natin ngayong buwan ng National Indigenous Peoples Month.

Binigyang-diin ng senador, na dapat ipaloob sa mga textbook o sa mga aklat ng paaralan ang pag-aaral sa kasaysayan ng IPs o kaya nama’y maglimbag ang gobyerno ng mga babasahing nagsusulong sa kahalagahan ng IP history.

Bagaman nagpahayag ang Department of Education na ipinatutupad na ang natu­rang batas, ito ay naisasakatuparan sa ilang piling paaralan lamang.

Dahil dito, hinimok ni Angara ang DepEd  na madaliin ang implementasyon ng Integrated History Law sa lahat ng paaralan sa bansa upang mapatunayang ang kasaysayan ng bawat katutubong Filipino ay ating pinahahalagahan.

Sa datos na ipinalabas ng National Commission on Indigenous Peoples, umaabot sa 15 milyon ang bilang ng IP sa buong bansa at karamihan sa mga ito ay naninirahan sa Mindanao at sa Hilagang Luzon.

Kadalasang suliranin ng kanilang sektor ang kalusu­gan, edukasyon, diskriminasyon dahil sa kanilang hitsura at kultura at pagsasawalang-bahala ng iba sa kanilang karapatang-pantao.

Upang maiwasan ang paglala ng mga problemang ito ng Filipino IPs, isinulong ni Angara ang Senate Bill 978 na naglalayong magtatag ng Resource Centers sa lahat ng komunidad na kanilang kinabibilangan. Sa pamamagitan nito, maipaaabot sa kanila ang kinakailangang serbisyo tulad ng pagsasanay, scholarships, trabaho, kabuhayan at tulong medikal.    VICKY CERVALES

Comments are closed.