(Kaso ibinasura ng Korte) DIREKTOR, 3 IBA PA PINALAYA NA

QUEZON- NAKALAYA ang film director na si Jade Castro at tatlong kasama nito na kinasuhan ng Arson mula sa Catanauan PNP Jail Facility nitong Lunes ng gabi.

Pinagbigyan ni Catanauan RTC Judge Julius Francis Galvez ang Motion to Quash laban kina Castro kung saan ibinasura ng korte ang demanda dahil mali ang ginawang pagkakaaresto at Destructive Arson ang isinampang kaso ng Catanauan PNP.

“The information was quashed on the ground of lack of jurisdiction of the court on the persons accused due to the invalidity of their arrest.Technically,case is dismissed but without prejudice as to refiling,”anang abogado nina Castro.

Pinanigan ng Korte ang pagkuwestiyon sa pagkaaresto sa mga suspek na unang iginiit ng pulisya at piskalya na ‘hot pursuit’ ang nangyaring pag-aresto kay Castro, dalawang civil engr. at isang sales manager.

Ayon sa korte, wala namang nasabi ang mga testigo kung saan pumunta ang grupo ni Castro matapos ang insidente.

Hindi rin nakapagbigay ng impormasyon ang mga testigo tungkol sa sasakyan ng grupo ng film director na ginamit sa pagtakas sa lugar ng scene of the crime.

Sinabi ng husgado, “the time they were arrested,the suspects were not acting in suspicious manner,They were acting as innocent individuals at that time.”

Matatandaang, sinampahan ng kasong destructive arson sina Castro matapos mapagbintangang nanunog ng isang modern jeepney sa bayan ng Catanauan Quezon noong Enero 28,2024.

Inimbitahan muna ng hepe ng pulisya ang grupo ni Castro mula sa Mi Casa Resort nakabase sa bayan ng Mulanay Quezon noong Enero 31,2024 bago tuluyang inaresto at ikinulong ang mga ito. BONG RIVERA