NAGSAMPA ang Public Attorney’s Office (PAO) ng anim na kasong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa Anti-Torture Act of 2009 laban sa mga executive ng French pharmaceutical na Sanofi Pasteur Inc. gayundin sa distributor nitong Zuellig Pharma Corp., dating Health Secretary Janette Garin at Philippine Children’s Medical Center Director Julius Lecciones sa Department of Justice (DOJ).
Sa panayam ng PILIPINO Mirror, sinabi ni PAO chief Persida Acosta na hindi na naisama si Health Secretary Francisco Duque III dahilan sa hindi pa nakaupo noon ang kalihim nang mangyari ang nasabing kaso.
“Relatives of the six children did not include Duque since these children who died were inoculated not during his time. Nevertheless, the other previous cases, he was named as one of the respondents,” saad ni Acosta.
Ang nasabing kaso ay kinabibilangan ng reklamo ng mga magulang ng mga batang sina Angelica Pulumbarit, 11, ng Bulacan; Maricel Manriza, 12, ng Laguna; John Marky Ferrer, 11, ng Tarlac; Charmel Flordeliz, 10, ng Quezon; Jonell Dacquel, 13, ng Nueva Ecija, at Kenchie Ocfemia, 11, ng Makati City na pawang nasawi dulot ng Dengvaxia vaccines.
Kabilang pa sa tinukoy na kinasuhan ay ang mga dati at kasalukuyang health officials na kinabibilangan nina PCMC’s Dr. Raymundo Lo at Dr. Sonia Gonzales; Maria Lourdes Santiago at Melody Zamudio ng Food and Drug Administration (FDA); Dr. Socorro Lupisan at Dr. Maria Rosario Capeding of the Research Institute for Tropical Medicine, at ” iba pang senior government officials na responsable pag pagbili ng Dengvaxia at pagpapatupad ng mass vaccination program.
Ayon pa kay Acosta, mayroon pang 98 kaso ang inihahanda ng PAO laban sa Sanofi Pasteur Inc., Zuellig Pharma Corp., Garin, Duque, Lecciones at iba pang opisyal ng gobyerno na may kaugnayan sa nasabing bakuna.
Sa kasalukuyan, may mahigit 40 kaso na ang naisampa ng PAO kung saan nauna rito nagsampa ang mga magulang ng Dengvaxia victims na sina Eira Mae Galoso, 11; Aldrid Aberia, 11; Ana Lisa Severio, 12; Leiden Alcabasa, 12; Riceza Salgo, 12,a nd Micaella Mainit, 18, ng kasong kriminal laban sa mga opisyal ng dalawang pharmaceutical giants, Garin, Duque at iba pa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.