(Kaso isinampa ng QCPD) HOMICIDE VS SUV DRIVER

SINAMPAHAN na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide with damage to property ang tumakas na drayber ng Ford Ranger na bumangga sa isang pampasaherong traysikel na ikinamatay ng nagmamaneho nito at ikinasugat ng kaniyang pasahero nitong nakalipas na Sabado ng umaga sa Quezon City.

Dakong 3:45 ng hapon nang sampahan ng kaukulang kaso ng Quezon City Police District (QCPD) at ni Arlene Laroa Buenaventura, kinatawan ng biktimang si Joel Laroa, sa Quezon City Prosecutor’s Office ang suspek na si Ronald Centino nitong Huwebes, Agosto 11.

Batay sa imbestigasyon, mula pa noong Agosto 6 ay walang kaukulang pahintulot na ginamit ng suspek ang itim na Ford Ranger na may plakang NCG 8456 na nakarehistro sa pangalan ni Mark Julio Abong hanggang sa nasangkot ito sa aksidente.

Napag-alaman na ang suspek ang siyang regular na nangangasiwa sa maintenance ng sasakyan kaya may access ito.

Matatandaan na namatay habang nilalapatan ng kaukulang lunas ang 54 anyos na si Laroa, residente ng #28 Interior 1 V, Gonzales St., Krus na Ligas, Quezon City sa Qurino Memorial Medical Center at sugatan ang pasahero nitong si Rozelle Morales, 27 anyos, Customer Service Associate at residente ng Antipolo City nitong nakalipas na Sabado ng umaga ng maganap ang aksidente sa kanto ng Anonas at Pajo St., Brgy. Quirino 2A sa lungsod.

Matapos masalpok ang traysikel na tumumba dahil sa lakas ng impact ay tinakasan ng drayber ang mga biktima.

Ngayon nakasampa na ang kaso laban sa suspek na si Centino ay inaasahang mabibigyan na ng hustisya ang pamilya ng mga biktima.