ISINAILALIM ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang Zamboanga City sa ‘red zone’ makaraang tamaan ng African swine fever (ASF) ang limang barangay sa lungsod.
Inilabas ni BAI Officer-in-Charge Director Dr. Reildrin Morales ang deklarasyon noong Mayo 23, ayon sa Facebook post ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga noong Sabado.
Sa ulat ni city veterinarian Dr. Mario Arriola, ang mga apektadong barangay ay ang Pasonanca, Bunguiao, Mangusu, Curuan at Manicahan.
Aniya, ang tatlong lugar ay nakontrol sa pamamagitan ng depopulation at sa tulong na ipinagkaloob sa mga apektadong swine raiser.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na pinaigting nito ang ASF containment measures kasunod ng paglabas ng confirmatory lab test results noong Mayo 12. Nakatakda ring pakilusin ang Barangay Health Emergency Response Team at task groups.
Nanawagan ang pamahalaang lungsod sa mga residente na bumili ng baboy at by-products nito sa authorized stalls o sections sa public o private markets o meat shops at laging hanapin ang Meat Inspection Certificate na inisyu para sa araw.
Pinayuhan din nito ang mga residente na umiwas na bumili ng pork at pork products mula sa mainland at iba pang ASF-infected areas.
“Swine raisers are requested to report any disease conditions or mortalities to the Office of the City Veterinarian, adhere to strict biosecurity measures, and that sick or dead animals should not be slaughtered for food to avoid food poisoning and contaminating other areas,” ayon sa lokal na pamahalaan.