BUMAGAL ang pagkalat ng African swine fever (ASF), isang sakit na nakaaapekto sa livestock hogs at tumama sa bansa noong nakaraang taon, sa gitna ng lockdown na ipinatupad para masugpo ang COVID-19, ayon sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI).
Sa isang virtual meeting, sinabi ni BAI officer-in-charge director Ronnie Domingo na bumaba ang kaso ng ASF ng 69% sa 20 cases per million pigs magmula nang pairalin ang enhanced community quarantine noong kalagitnaan ng Marso mula sa 63 cases per million pigs noong Agosto 2019 nang ang outbreak ay unang maitala sa bansa.
Ayon kay Domingo, ang pagbaba ng kaso ng ASF ay dahil sa mahigpit na travel restrictions na pumigil sa local transmission ng nakamamatay na hog virus.
Gayunman, sinabi ng BAI chief na ang mga kinatay na baboy ay tumaas sa kabuuang 297,287 mula sa mahigit 280,000 na iniulat noong Abril.
Sa pinakahuling ulat ng bansa sa World Organization of Animal Health, sinabi ng BAI na ang mga bagong kaso ng ASF ay naitala kamakailan sa Pangasinan, Quezon, Benguet, Ifugao, Camarines Sur, Laguna, Batangas, Cavite, Aurora, at Nueva Vizcaya.
Sa datos ng BAI, ang ASF ay nakaapekto na sa walong rehiyon, 223 lungsod at bayan, 25 lalawigan at 967 barangays.
Comments are closed.