LAGUNA – LUMOBO na ang kaso ng African Swine Fever (ASF) na kung saan ay apektado na ang ikatlo at ika-apat na distrito ng lalawigang ito.
Nabatid na umaabot na halos 18 bayan ang apektado ngayon ng naturang sakit batay na rin sa ipinalabas na ulat ng pamunuan ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa ilalim ni Dra. Grace Bustamante na kung saan marami ng alagang baboy ang namatay at agarang sumailalim sa Depopulation Operation ng pamunuan ng Municipal and City Agriculture Office (MAO/CAO) ang lahat ng lugar na apektado.
Sa talaan, unang tumama ang ASF sa lungsod ng Calamba na mahigit tatlong buwan na ang nakakaraan kasunod ang iba pang bayan na maraming may alagang baboy.
Dahil dito, ipinag-utos ng MAO/CAO na pansamantalang ihinto muna ang pag-aalaga ng baboy sa lahat ng mga backyard hog raisers sa mga apektadong lugar hangga’t hindi pa nasosolusyunan ang problemang ito.
Kaugnay nito, naitala kahapon ang nasa mahigit na 100 bilang ng mga baboy ang sumailalim sa Depopulation sa bayan ng Siniloan bunsod ng magkakasunod na insidente ng pagkamatay kung saan magkakahiwalay na inilibing ang mga ito sa isang bakanteng lote. DICK GARAY
Comments are closed.