KASO NG ASF SA LAGUNA PATULOY ANG PAGLOBO

ASF-10

LAGUNA – BUKOD sa COVID-19, lumobo rin ang kaso ng African Swine Flu (ASF) sa Laguna.

Naitala ito nitong nakalipas na ilang araw base sa ipinalabas na ulat ni Provincial Veterinary Officer Dra. Grace Bustamante.

Sa talaan, umaabot na halos sa siyam na bayan ang apektado na kinabibilangan ng Lungsod ng Calamba, Los Baños, Calauan, Nagcarlan, Liliw, Victoria, Pakil, Pangil at Famy.

Sinasabing may ila­ng bayan pa rin ang may naitalang mga namatay na baboy subali’t nagnegatibo umano ito sa Laboratory Test ng Bureau of Animal Industry (BAI) habang patuloy pa itong iniimbestigahan.

Dahil dito, may posibilidad na lumobo pa aniya ang kaso ayon kay Bustamante dahilan para tulu­yang maalarma ang nakatalagang mga lokal na opisyal sa mga bayan na apektado bukod pa sa kinakaharap na problema sa pandemya.

Hinala umano nito na ang mga langaw ang may bitbit na virus kaya patuloy na dumarami ang kaso ng ASF sa Laguna.

Kahambing din aniya ito ng coronavirus kung paano ito kumalat at makahawa.

Ang kanyang rekomendasyon sa lahat ng mga apektadong lugar, mag-pest control at pansamantala munang ihinto ang pag-aalaga ng baboy.

Kaugnay nito, pinulong ni Sta. Maria Municipal Mayor at kasalukuyang Bise Presidente ng Liga ng mga Punongbayan na si Atty. Cindy Carolino ang miyembro ng kanilang samahan sa ikaapat na distrito ng Laguna na agarang maglatag ng Preventive Measures laban sa patuloy na pagkalat ng sakit ng baboy na ASF.

Tinututukan din aniya ng mga ito ang pagbebenta sa mga palengke ng bocha o ang double kill na karneng baboy para hindi na makapinsala pa sa mga mamimili. DICK GARAY

Comments are closed.