KASO NG COVID-19 LUMOBO PA, 376 PANG PULIS NAHAWA

PATULOY na nadaragdagan ang kaso ng CO­VID-19 sa Philippine National Police (PNP) makaraang madagdag kahapon ng panibagong 376 bilang ng pulis na dinapuan ng nasabing sakit.

Batay sa datos ng PNP-Health Service, dahil sa karagdagang numero ng infected cops, 1,225 na ang aktibong kaso habang 43,115 na ang kabuuang kaso simula noong Marso 2020.

Isa lamang na pulis ang gumaling habang 41,763 na ang kabuuang numero ng mga pulis na naisalba sa coronavirus disease.

Nagpapasalamat naman si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na hindi na nadagdagan ang 125 na nasawi na ang huli ay naitala noong Nobyembre 10.

Samantala, negatibo naman sa COVID-19 si Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander at Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Joselito Vera Cruz makaraang maging close contact sa COVID-19 kamakailan.

Paalala ni Vera Cruz, maging maingat at maging responsable na kapag alam na naging close contact sa positibo sa sakit ay mag-self quarantine hangga’t hindi nagnenegatibo sa test. EUNICE CELARIO