BUNSOD ng mahigit 240 kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng dalawang araw, umakyat na ang bilang ng mga indibidwal na may aktibong kaso ng virus sa 808 sa Taguig.
Base sa datos ng Department of Health (DOH), nitong nakaraang Hulyo 22 ay nakapagtala ang lungsod ng 124 bagong kaso ng COVID-19 habang 121 aktibong kaso naman ang naitala ng Hulyo 23.
Ang naitalang 121 aktibong kaso ng COVID-19 sa Taguig nitong Hulyo 23 ay pumang-apat sa may pinakamaraming bilang ng kaso ng virus sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong National Capital Region (NCR) kung saan nangunguna ang Quezon City na mayroong 274 kaso na sinundan ng Manila na may 159 kaso habang ang Makati ang pumangatlo na mayroong 150 aktibong kaso ng virus.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang bed occupancy ng mga ospital nitong Hulyo 23 sa lungsod ay nasa 13 porsiyento kung saan 58 sa kabuuang 447 kama ay okupado ng mga pasyente.
Sa kabuuan ay nakapagtala ang lungsod ng 85,741 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kabilang na dito ang 84,392 indibidwal na mga nakarakober habang 541 naman ang mga namatay sa virus.
Sa patuloy ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 ay hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng lungsod na magpabakuna na ng primary doses at booster shots na makadadagdag sa kanilang proteksyon laban sa virus. MARIVIC FERNANDEZ